"Kahit saan"


Kung sa mga daang nilalakaran mo,

may puting bulaklak ang nagyukong damo

na nang dumaan ka ay biglang tumungo

tila nahihiyang tumunghay sa iyo. . .

Irog, iya’y ako!


Kung may isang ibong tuwing takipsilim,

nilalapitan ka at titingin-tingin,

kung sa iyong silid masok na magiliw

at ika’y awitan sa gabing malalim. . .

Ako iyan, Giliw!



Kung tumingala ka sa gabing payapa

at sa langit nama’y may ulilang tala

na sinasabugan ikaw sa bintana

ng kanyang malungkot na sinag ng luha

Iya’y ako, Mutya!


Kung ikaw’y magising sa dapit-umaga,

isang paruparo ang iyong nakita

na sa masetas mong didiligin sana

ang pakpak ay wasak at nanlalamig na. . .

Iya’y ako, Sinta!


Kung nagdarasal ka’t sa matang luhaan

ng Kristo’y may isang luhang nakasungaw,

kundi mo mapahid sa panghihinayang

at nalulungkot ka sa kapighatian. . .

Yao’y ako, Hirang!



Ngunit kung ibig mong makita pa ako,

akong totohanang nagmahal sa iyo;

hindi kalayuan, ikaw ay tumungo

sa lumang libinga’t doon, asahan mong. . .

magkikita tayo!




Mensahe

Palagay ko ang tulang ito ay nawawala sa visual imagery. Ang paglikha ng mga makapangyarihang larawang biswal ay magpapalalim sa magiging epekto ng tulang ito sa mambabasa. Ang gawain ng makata ay ang pagpapatingin sa mambabasa ng mga bagay tulad ng nakikita ng makata at nararamdaman ang mga bagay na tulad ng nararamdaman ng makata. Kung walang imahen, hindi ka makakapasok sa imahinasyon. 



Comments

Popular posts from this blog