Si Jose Corazon de Jesus ay itinuturing na pinakanangungunang makata sa panahon ng kolonyalismong Americano. Pinakapopular niyang sagisag-panulat ang Huseng Batute at ginamit niya sa napakapopular na patulang kolum na may titulong Buhay Maynila.


    Hinangaan si Batute bilang makisig at mahusay na mambibigkas. Siya ang itinanghal na unang Hari ng Balagtasan. Para siyang superstar noong panahon ng Americano kayâ ang kaniyang mga pagbigkas ng tula ay dinudumog ng madla. Pinakapaborito ng taum-bayan ang mga tulang “Ang Manok Kong Bulik” (1919), “Ang Pagbabalik” (1924), “Ang Pamana” (1925), “Pag- ibig” (1926), “Manggagawa” (1929), at “Isang Punongka- hoy” (1932). Nang mamatay siya noong 26 Mayo 1932 ay nagluksa ang bayan at isa sa pinakamahabàng libing sa kasaysayan ang paghahatid sa kaniyang bangkay sa Cementerio del Norte.


    Lumikha rin si Batute ng mga titik para sa mga kanta. Pinakapopular sa mga ito ang “Bayan Ko” na naging pangunahing kantang tagapagpahayag ng pagmamahal sa bayan at sa kalayaan hanggang sa kasalukuyan. Sumulat din siya ng mga tulang pasalaysay. Pinakakilala sa mga ito ang Sa Dakong Silangan (1928), isang alegorikong pagtuligsa sa pananakop ng mga Americano. Kinagili- wan ng madla ang kaniyang araw-araw na kolum dahil sa matapang na tuligsa nitó sa mga sakit ng lipunan na nalalahukan ng bagong talinghaga sa pagtula. Dalawang ulit muntik nang makulong si Batute dahil sa kaniyang pag-atake sa mga Americano.


    Ipinanganak si de Jesus sa Santa Cruz, Maynila noong 22 Nobyembre 1894 sa mag-asawang Vicente de Jesus ng Sta. Maria, Bulacan at Susana Pangilinan ng Pampanga. Ikinasal siya kay Asuncion Lacdan noong 1918 at nagkaroon sila ng tatlong anak. Nag-aral siya sa Liceo de Manila, at kumuha ng abogasiya sa Escuela de Derecho. Nag-aral din siya ng humanidades, opera, at piyano sa Unibersidad ng Pilipinas. Isang balintuna na sa kabila ng kaniyang pambihirang popularidad ay hindi siya nanalo sa dalawang beses na pagkandidato sa Sta. Maria, Bulacan, ang itinuturing niyang sariling bayan. 

Comments

Popular posts from this blog